do not be defeaned by the silence that I bring... Listen to every message that I say. Cover your eyes, your ears. listen to me... I'll let let you see reality

Thursday, February 17, 2005

One Missed Call

One Missed Call
By Marc Rambo D. Rondera

1
Missed
Call

Ganito ang nakita ko sa aking cellphone bago ako matulog.

Sa tabi ng aking kama, naroroon ang isang maliit na lamesita na kasya ang isang lampshade at isang alarm clock. Sa gawing ilalim ay isang maliit na drawer na naglalaman ng dalawa kong cellphone, mga tatlong kahon ng Post-it na iba’t-ibang laki at kulay, tatlong remote: isa sa radio, isa sa t.v., at isa sa maliit na DVD player, paborito kong libro, at kung anu-ano pang nilalaman ng drawer ng isang lalaki.

Tinignan ko kung sino ang tumawag.

Missed 1:
Cinderella Fajardo Garcia

Si Cindy. Ang kaklase ko sa unibersidad na, gaya ko, ay naninirahan din sa isang pribadong apartment. Pareho kaming kumukuha ng kursong Komunikasyon at nasa ikalawang taon na kami. Dalawang taon pa at makakapagtapos na rin. Kaklase ko siya sa limang subjects: Contemporary Literature, Philosophy of Media, Literary Criticisms, Introduction to Film, at Creative Writing.

Cinderalla Fajardo Garcia. Nakaugalian ko nang ilagay ang buong pangalan ng mga kakilala ko sa phonebook ng aking cellphone. Sa dinami-dami ng aking mga kakilala, umaabot na yata sa labindalawang Erick, at humigit-kumulang labinglimang Joey, at upang maiwasang magkamali, inilagay ko ang kanilang buong pangalan. Napansin ko rin na malungkot tignan ang aking phonebook kapag iisang pangalan lang ang aking inilagay. Walang kabuhay-buhay.

Nakatulog ako ng maaga nang gabing iyon.

Unang klase ko sa alas-siyete ng umaga ay Creative Writing. Pagpasok ko, nakita ko si Cindy sa may gawing likuran ng silid. Kinawayan niya ako, kasabay ng kanyang matatamis na ngiti. Itinuro ang upuan sa kanyang tabi. Kinawayan ko rin siya at lumapit sa kanya, dala-dala ang aking mga gamit at dalawang malalaking baso ng kape. Ako ang karaniwang nagdadala ng kape tuwing umaga, sa akin ay choco latte, at sa kanya naman ay mocha latte frappe. Wala pa ang propesor, at kung sakaling naroroon siya, pinahintulutan niya kaming uminom ng kape. Sino ba naman ang gaganahan pumasok ng ganoon kaaga?

“Salamat” sinabi niya sa akin habang inaabot ko sa kanya ang kanyang baso ng kape.
Sinagot ko siya ng ngiti.

“Bakit ka nga pala tumawag kagabi? Hindi ko nasagot dahil iniwan ko sa drawer ko yung cellphone eh!”

Natigilan siya ng sandali. “Ah! Iyon? Wala ‘yon. Nag-miss call lang ako para malaman mo na matutulog na ako. Nagsa-sign-off na ako nun!” Sabay ngiti.

“Bakit ko gustong malaman kung matutulog ka na o hinde?” pabiro kong hirit.

“Wala lang” sabay higop sa kanyang kape.

Dumating ang propesor namin at nagsimula na ang tatlong oras na diskusyon at writing workshop. Nawala na ang antok sa aking sistema dahil sa kapeng imiinom ko. Maya’t-maya kaming nagpapalitan ng tingin ni Cindy, at sabay ngiti sa tuwing nakakakita kami ng ibang kaklaseng nakakatulog sa kanilang upuan. Natapos ang leksyon ng alas-diyes ng umaga. Sabay kaming nag-agahan at dinaluhan namin ang aming dalawang klase hanggang tanghalian.
Kailangan ko pumunta sa isang miting kung kaya’t inihatid ko na siya sa susunod niyang klase.

“Meet tayo mamaya. May sasabihin ako sa’yo.” Sinabi niya sa akin.

“Tawagan mo na lang ako ‘pag tapos ka na.”Pumunta na ako sa miting.

Vice President for Creative Concepts kasi ako ng isang organization, ang Literary Society, at naghahanda kami ng programa sa darating na Students’ Activity Week na karaniwang idinaraos dalawang linggo bago mag-finals. Kakatapos lang ng miting nang tumawag si Cindy sa akin.

“Dil, meet me here in the stairs outside the mini-theatre.”

“Okay. What are you doing there?”

“Wala kasing tao, bilisan mo, punta ka na dito”

“Wait for me there.”

Wala akong clue kung ano ang sasabihin niya sa akin. Ito lang ang maliwanag, walang espesyal na relasyon ang namamagitan sa amin. Marahil, malapit kaming magkaibigan, pero hanggang dun na lang yun. Period. Noong una kaming magkita, nagkaroon ako ng crush sa kanya, pero dahil naging magkaibigan kami, nawala na lang yun. Hindi maiiwasan na paghinalaang kaming may relasyon, lagi kasi kaming magkasama; mula sa panonood ng sine, pagkain sa labas, pag-enroll, at pagdalo sa mga parties at special gatherings. Pero kung tatanungin ako, masaya na ‘ko na magkaibigan lang kami. Wala na kasi akong dapat problemahin o isipin pa.

Bawat hakbang papuntang mini-theatre ay nagmistulang taon sa tagal dahil sa pag-iisip kung ano kaya ang importanteng sasabihin ni Cindy. Na-develop na kaya siya sa akin? Napansin ko kasi kamakailan lang ay nagiging malapit na siya sa akin. Hindi gaya noon na parang tropa lang kami, ngayon, para kasing marami na siyang sinasabi sa akin, mga pananaw niya sa pag-ibig, kung anong gusto niya sa lalaki, maraming love quotes na itini-text, at kagabi, ang kanyang miss-call. Nararamdaman ko na iba nga ang kanyang ikinikilos kapag kasama ako. Nag-aassume lang ba ako? Mahirap na mag-assume, pero hindi ko maiwasan ang mag-isip ng mga bagay-bagay lalung-lalo na tungkol sa pag-ibig, at higit sa lahat, si Cindy, ang kaibigan ko, ang dati kong crush, pero ngayon, nag-iba na nga yata.

Sa aking pag-iisip, hindi ko namalayan na malapit na ako sa mini-theatre. Nakita ko siya, at nagkatinginan kami. Kinawayan ko siya at ngumiti ako, pero iba ang reaksyon niya. Parang may gusto siyang sabihin talaga sa aking importante. Nasa-isip kong baka sabihin niya na mahal na niya ako. Ano kaya ang sasabihin ko? Hindi naman sa ayoko sa kanya, pero parang hindi ako handa sa ngayon na magkaroon ng relasyon. Nag-aassume nanaman ako.

“Bakit ba? Ano bang sasabihin mo sakin?”

Natigilan siya at hinila niya ako sa hagdanan sa labas ng mini-theatre, at doon kami naupo.

“Ano ba yun?” ang tanong ko sa kanya. Kinakabahan ako. Mabilis ang tibok ng puso ko. Siya naman ay parang may gustong isiwalat sa akin, may gusto siyang sabihin na parang nagdadalawang-isip siya kung sasabihin niya ba o hindi. Walang tao sa bahaging iyon ng unibersidad maliban sa amin. Ang mga bulong ng hangin at paglagutok ng mga dahon lang ang maririnig.

“I love you.”Tumigil ang lahat. Malinaw na malinaw kong narinig mula sa kanyang bibig ang tatlong salitang ayokong marinig mula sa kanya. I love you. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Pinagpapawisan na ako ng malamig. Nagsimula nang kumalam ang aking sikmura, at maraming mga larawan ang pumasok sa aking isipan. Nawala ang background music ng hangin at ng mga dahon. Naiwan kaming nagtititigan sa harap ng mini-theatre, hinawakan niya ang aking mga kamay at naghihintay sa aking sasabihin.

Gusto ko sana siyang yakapin, at sabihing “I love you too”, pero hindi ko ginawa. Gusto ko sanang halikan siya at sabihing “mahal na mahal rin kita”, ngunit hindi ko ginawa. Gusto ko sanang magdikit ang aming mga noo at tumingin ng malalim sa kanyang malamlam na mga mata, pero hindi nangyari.

Ginusto kong mangyari na sabihin niyang “joke lang, tinitest lang kita” pero hindi nangyari. Joke lang?!?!?! Sino bang matino ang magsasabi ng I love you tapos dudugtungan ng joke lang? Ginusto ko rin na sabihin niya na “I love you… Friendships” pero walang salita ang lumabas sa kanyang bibig. Sana hindi na lang ako pumunta, at sinabi ko na lang sa kanya na may gagawin akong importante. Sana tinamaan na lang ako ng kidlat sa pagpunta ko dun, para hindi ko na marinig ang kanyang sinabi. Sana may kapangyarihan akong ibalik ang panahon para maiwasan kong marinig ang mga salitang I love you mula sa kanya. Sana, pero hindi eh.

Nawala ang dila ko. Hindi na ako makapagsalita. Huminga ako ng malalim at inutal ang mga salitang “I don’t know…” Unti-unting lumabas ang mga luha sa aking mga mata. Dumaloy ito hanggang makarating sa aking labi. Hindi ko alam kung bakit ako umiyak. Siguro dahil hindi ko alam kung anong gagawin kaya’t bigla na lang ako umiyak. Hindi ko alam ang sasabihin sa kanya.

Napipi ako sa mga sandaling iyon. Namumugto na rin ang mga mata ni Cindy, pinipigil niyang umiyak. Hinawakan niya ang aking mukha at pinunasan ng kanyang mga hinlalaki ang aking mga luha.

“Don’t cry. Hindi ko sinasadyang paiyakin ka… Sorry.”

“No. Don’t say sorry. Ako nga dapat ang magsabi ng sorry.” Hindi napigilan ni Cindy ang umiyak. Hawak niya parin ang aking mukha at dahan-dahang inilapat ang kanyang labi sa akin. Nalasahan ko ang kanyang luhang pinaalat ng kabiguan at pinapait ng sama ng loob. Niyakap ko siya ng mahigpit pero ang mga kamay niya ay nasa mukha ko pa rin. Tinititigan niya ako sa aking mga basang mata na parang naghihintay na meron akong sabihin. Hindi ko alam kung ilang sandali na ang lumipas nang binitiwan niya ako at tinanggal ang aking bisig sa kanya.

Binulong niya sa akin “mahal pa rin kita” at tumakbo siyang palayo sa akin.

Naiwan ako sa mga hagdanan ng mini-theatre, nakaupo at nakatulala sa kawalan. Marami akong iniisip at hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa mga susunod na araw. Magbabago ang lahat.

Sa lalim ng aking pag-iisip, inabot ako ng dilim sa labas ng mini-theatre. Umuwi akong walang ibang iniisip kundi ang kanyang mga sinabi. Hindi na ako nakaramdam ng gutom, at tuloy na lang ako sa pagdapa sa aking kama hanggang ako’y nakatulog.Alas tres ng umaga ng ginising ako ng vibration ng cellphone ko sa aking bulsa.

1 missed call:
Cinderella Fajardo Garcia

Pinatay ko ang cellphone ko. Hindi ko alam kung bakit, basta pinatay ko. Siguro dahil gusto ko munang lumayo sa kanya para makapag-isip. Siguro natatakot ako na biguin ko siya kapag naging kami na. Siguro natatakot lang ako na iwanan niya ako, kaya inunahan ko na siya. Duwag lang siguro ako. Takot lang siguro ako sa pag-ibig.

Nalugmok ako sa aking kama, nakatulala. Alas-diyes pa ang klase ko at alas-tres pa lang ng umaga. Hindi na ako makatulog. Limang oras ako nakatulala sa kawalan. Hindi ko namalayan na nakaligo na pala ako at handa na para pumasok.

Papasok kaya si Cindy? Kung pumasok siya hindi ko alam ang gagawin ko. Nakakaasar. Hindi ko alam ang gagawin ko. Okay na kasi yung dati, magkaibigan lang kami; masaya tuwing magkasama, nagbibiruan, nagkakatampuhan, nagdadamayan. Bakit kasi kailangan pa niyang mahulog sa akin?

Philosophy of Media. Naroroon na si Dr. Wright nang pumasok ako ng silid. Hindi ko nakita si Cindy kaya’t umupo na lang ako sa isa sa maraming bakanteng upuan sa gawing harapan ng silid. Labing-anim lang ang kumukuha ng subject na ito kaya’t sanay na kami na tahimik ang klase.

“It’s almost ten o’clock. So, shall we start?” sabi ng propesor.

“Today, I’m going to tell you about your final project which will be three weeks from now.” Binilang niya ang mga estudyante at nakitang labing lima lang kami. Si Cindy lang pala ang absent.

“I will be assigning you to do a documentary on a recent film. Present to the class, in an artistic way, the philosophical content of your chosen film. These are the guidelines on how to do the project” sinimulan ni Dr. Wright mamigay ng guidelines sa buong klase.

“You will all work by pairs, but I see that one of you is absent, Ms. Garcia, I presume. So, who is the friend of Ms. Garcia here? Anyone?”

Dahang-dahan kong itinaas ang aking kamay. Hindi ko alam kung friend ko pa ba si Cindy.

“Mr. De la Cruz, kindly inform her about this project. I want the both of you to consult me if there are problems”

Gusto ko sanang sabihin na magpapaconsult na ako ngayon dahil meron kaming problema. Gusto ko sanang sabihin kay Dr. Wright ang kalagayan namin ni Cindy. Sana may tumulong sa amin. Sana tulungan nila ako.

Tumango na lang ako. Ipinagpatuloy ni Dr. Wright ang kanyang lecture, at natapos ang klase ng tanghaling tapat. Nananghalian akong mag-isa. Marami akong kaibigang nakasalubong at hinahanap nila si Cindy. Nagpalusot na lang ako, at sinabi kong hindi siya pumasok. Nanatili ako sa opisina ng aming organization hanggang 2:30 ng hapon, inaayos ang mga papeles para sa Students’ Activity Week. Dumeretso kaagad ako sa klase ko matapos kong gawin ang mga papeles.

Pumasok ako sa silid, at naroroon na si Mr. Hererra. Nakita ko rin si Cindy. Nasa kanya pa rin ang mga kislap ng mga mata at ang ngiti sa mga labi, pero may naramdaman akong nawala sa kanya. Hindi ko alam kung ano, pero parang kulang siya.Nakita niya ako at kinawayan, itinuro ang upuan sa kanyang tabi. Hindi ko alam kung anong gagawin ko matapos ang nangyari sa amin kahapon. Dahan-dahan akong naglalakad papunta sa kanya, walang malay sa aking ginagawa at parang tuliro sa mga nangyayari sa aking paligid.

“Mr. De la Cruz, will you try to find yourself a seat, we are about to start the class” ang nakakagulat na paalala ni Mr. Hererra.

Hindi napigilang tumawa ni Cindy, at binulong niya sa akin “Bilisan mo kaya, dito ka na umupo.”

Parang walang nagyari. Dahil sa kawalaan ng masasabi, ngumiti na lang ako at umupo katabi ni Cindy. Lumipas ang tatlong oras ng hindi ko namamalayan. Dahil siguro sa mga iniisip kong sasabihin kay Cindy; “Doon sa nangyari kahapon...”, “Okay ka lang ba?”, “ Marami akong gustong sabihin sa’yo…”

“Okay ka lang? Hindi ka pa ba aalis?” ang nakakagulat na paalala sa akin ni Cindy, habang kumikilos na ang lahat palabas ng silid.

“Ha? Ah! Oo. Paalis na ako. May dadaanan lang ako sa office.” Agad kong sinabi.

“Pwede bang sabay na tayo umuwi?” paanyaya ni Cindy.

“Hindi ko dala ang kotse ko ngayon. Color coding.” patanggi kong sinabi.

“Alam ko. Sabay na lang tayo maglakad pauwi.”

“Sure.”

Matahimik naming tinahak ang madidilim na corridor ng paaralan papuntang Office of Student Activities, kung saan nandoon ang tanggapan ng aming organization. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makatinggin sa kanya ng diretso o kaya’y magsalita man lang. Wala akong imik.

Matapos kong ayusin ang opisina, lumabas na ako ng silid.

“Okay ka na?” Tanong ni Cindy sa akin.

“Oo.” Pautal kong sinabi.

“Halika na!” sabay ang kanyang pag-yakap sa aking braso. Dati pa naman niyang ginagawa ang pagyakap sa aking braso, naglalambing lang. Ngunit ngayon, iba na ang pakiramdam ko. Parang nagkakaroon na ng malisya ang kanyang ginagawa. Parang iba na ang kahulugan ng pag-yakap niya sa aking braso. May nagbago na sa kanyang mga hawak, sa kanyang paglalakad, sa kanyang dating. Hindi na lang ako umimik at patuloy kaming naglakad palabas ng unibersidad. Malayo pa ang lalakarin namin, mga dalawang kilometro pa mula sa unibersidad. Magkalapit lang naman ang bahay naming dalawa, at nasa dadaanan ko naman ang kanyang apartment.

Lumipas ang ilang sandali at sinimulan ko nang magsalita.“Bakit hindi ka pumasok kanina?”

“Bumisita kasi si mama, inabot ang allowance ko. Nagkaroon kasi ng problema sa bangko namin kaya nahold yung ATM ko. Bakit? Anong nangyari kanina?”

“May project na binigay si Dr. Wright, nasa akin ang guidelines. By pairs gagawa, at tayong dalawa yung pinag-pair.”

“Sino pa ba ang magiging partner mo?” pangiti niyang sinabi sa akin.

Ibinigay ko sa kanya ang guidelines ng project. Binasa niya ito at napahinto sa isang tabi. Napahinto na rin ako.

“Bakit?” tinanong ko siya.

“Wala, nag-iisip lang ako kung anong pelikula ang gagawaan natin ng documentary?”

“Ikaw na ang bahala mag-isip niyan, kapag may naisip ka na, sabihin mo na lang sa akin tapos, sabay natin panoorin.”

“Sige, sabay na tayong umuwi bukas, tapos mag Movie Marathon tayo sa amin”

“Ha? Ah. Uhm… Sige.” Dahan-dahan kong sagot.

Pinasok nanaman ako ng kaba, baka may mangyari nanaman bukas. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ano kayang sasabihin ko? Ano kayang mangyayari bukas? Hindi ko namalayan na malapit na kami sa bahay niya at unti-unti pa’y nasa harap na kami ng gate.

“Dito na ako. Bukas ha!” paalala niya sa akin.

“Sige” mahina kong sinagot.“Good night.”

At dahan-dahan niyang inilalapit ang kanyang mukha sa akin. Hahalikan nanaman niya ako, hindi sa pisngi, kundi sa labi. Madali kong ibinaling ang aking mukha at dumampi ang kanyang mga labi sa aking pisngi. Napatingin siya sa akin, na parang natigilan.

“Sige. Good night. Bye!” madali kong sinabi habang mabilis na naglakad palayo sa kanilang apartment.

Tinakasan ko nanaman siya, gaya nang ginawa ko kahapon sa kanya. Iniwan ko nanaman siyang nagtataka kung ano ba talaga ang damdamin ko sa kanya. Hindi ko rin naman alam kung ano ang nararamdaman ko sa kanya. Pareho lang kaming naguguluhan, hindi niya alam kung may gusto ba ako sa kanya o wala at hindi ko rin naman alam kung may gusto ba ako sa kanya o wala. Hindi na ako muling nakalingon pa, at napabilis ang aking paglalakad, hanggang makarating ako sa aking apartment.

Bago ako matulog, sinet ko ang alarm clock para sa maagang pasok bukas. Tinignan ko ang aking cellphone sa maliit na drawer ng lamesita.

1 missed call:
Cinderella Fajardo Garcia

Kinabukasan, maaga akong pumasok para sa aking unang klase. Ako ang unang tao sa silid at umupo ako sa gawing likod. Malamig pa ang simoy ng hangin at humahalimuyak ang amoy ng hamog sa umaga. Naka-jacket ako at walang dalang kape. Nakalimutan ko. Ako nga pala ang nagdadala ng kape tuwing umaga, akin ay choco latte, at sa kanya naman ay mocha latte frappe. Dahil matagal pa bago may dumating, kinuha ko ang libro sa aking bag at nagsimula na akong magbasa. Lumipas ang ilang sandali, may nagbukas ng pinto ng silid. Panandalian akong nagulat at napansin kong mga kaklase ko lang pala. Hindi pa dumadating si Cindy. Napatingin ako sa aking relo, at muling nagbalik sa pagbabasa.

Hindi katagalan, lumabas mula sa pinto ang isang babae. Parang bumagal ang lahat. Tumatama sa kanyang mukha ang ginintuang ilaw na nanggagaling sa araw. Makinis ang kanyang balat, at nakita ko ang magandang hubog ng kanyang katawan. Nabitiwan ko ang aking libro nang umupo siya sa tabi ko.

“Excuse me. That seat is taken.” sinabi ko sa kanya.

“Good morning Dylan.” Ang malugod niyang bati sa akin. “Nasaan na yung kape ko?”

“Cindy? Ikaw ba yan?”

“Sino pa ba? Bakit? Nagulat ka sa bago kong look no?” sabay ngiti ng kanyang mapupula at nagkikislapang labi.

“Anong pumasok sa isip mo bakit ka nagbago ng image?”

“May interview kasi ako mamaya sa U.S. Embassy, magpaparenew ng visa. Sabi kasi ni daddy na kukunin na niya daw matapos lang ang term na ito. Doon na rin ako magbabakasyon. Baka doon ko na rin ipagpatuloy ang studies ko”

Bigla akong nanlambot. Nawalan ng pakiramdam ang aking buong katawan. Nagitlahanan ako sa mga salitang nanggaling sa kanyang bibig. Nadurog na yata ako.

“Doon ka na titira?” mahina kong tinanong sa kanya, nagbabakasakaling nagbibiro lang siya.

“Ewan ko, Siguro. Fourth time ko pa lang babalik sa U.S. at 12 pa lang ako noong huli kong punta doon. May green card na kasi ang papa kaya kinukuha na kaming lahat.” Lalo akong nanlambot sa sinabi niya. Nakatulala ako sa kanya na parang nawalan ng ulirat. Ano ba itong nararamdaman ko? Parang gusto kong sumigaw, hindi ko naman alam kung bakit. Hindi ko alam kung galit ako o nalulungkot. Hindi ko mapaliwanag. Biglang namutla ang aking mukha. Hindi ko alam kung ano pa ang gagawain.

“Okay ka lang ba?” sabay saltik ng kanyang daliri sa aking mukha.

“Ha? Ah…eh… Oo naman.” Pasinungaling kong sinabi. “Tatanong ko lang kung matutuloy pa mamaya yung movie marathon natin”

“Ay. Oo nga pala. Sige, mauna ka na lang sa apartment ko, tapos hintayin mo lang ako doon. Mga four, nandoon na ako. Huwag kang magsimula nang wala pa ako. May pagkain dun sa ref kumuha ka na lang pag nagutom ka. Pakainin mo na rin si Apple, pati na ang mga isda. Please….”Meron na kasi akong susi ng apartment niya. Siya rin merong susi ng apartment ko. Noong nalaman naming magkalapit lang kami ng bahay, pinagkatiwalaan na namin ang isa’t-isa. Kung sakaling nawala ang susi namin, meron kaming extrang nakatago. Si Apple naman ang niregalo kong tuta sa kanya noong birthday niya, dalawang buwan na ang nakakaraan, at ang mga isda naman ang binigay ng isa sa mga kapit-bahay niya noong araw na naglipat siya sa apartment niya.

“Sige” Hindi ko namalayang dumating na si Mr. Quaresme, at nakinig na lang kami sa kanyang lecture. Matapos ang tatlong oras, at nang klase, nagmadali akong nagpaalam kay Cindy.

“O, bakit ka aalis? Hindi ka aatend ng next class natin?”

“Hindi na siguro” walang malay kong sinagot sa kanya.

Nagmamadali akong umalis sa silid. Tumakbo ako ng tumakbo, hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam ang dahilan kung bakit ako tumatakbo. Gusto ko lang lumayo, gusto kong lumayo sa kanya. Iiwanan niya ako. Matapos niyang sabihin sa aking mahal niya ako, iiwanan niya lang ako. Madaya siya, nangiiwan. Gusto kong lumayo na siya. Huwag na siyang babalik. Ayoko sa mga nangiiwan. Matapos ang mahigit isang taong pagsasama namin, gaganyanin niya lang ako? Ang sama-sama ng loob ko sa kanya.

Natagpuan ko ang sarili ko sa mga hagdan sa labas ng mini-theatre. Unti-unting tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Nakayuko ako, nakatitig sa lupa, tumutulo ang luha. May isang taong lumapit, at bigla akong niyakap, isang pamilyar na yakap. At doon lumabas ang isang malakas na hagulgol.

Bumalik na ang aking ulirat sa salas ng apartment ni Cindy. Nawala na sa isip ko kung paano ako nakarating sa kanyang apartment. Tinignan ko ang orasan at nalaman kong alas-tres na ng hapon. Nakita ko si Apple, kumakain na sa kanyang kainan. Sinilip ko ang mga isda, kumakain na rin sila.

Umakyat na ako sa kwarto ni Cindy. Nandoon pa rin ang mga larawan namin, noong pumunta kami sa Enchanted Kingdom, noong nanood kami ng sine kamakailan lang. Naroroon rin ang kopya niya ng cartoon sketch naming pinagawa sa isang cartoonist. Punong-puno ng mga larawan naming dalawa ang kwarto niya, parang museum. Minahal niya nga kaya ako gaya ng sinabi niya? Baka infatuated lang siya.

Umupo ako sa sala sa loob ng silid ng kwarto niya. Doon kami laging nanonood ng mga pelikulang binibili namin, at kadalasan doon na rin kami nakakatulog. Maayos ang kanyang silid, hindi gaya noong dati, maraming nakakalat. Siguro inayos niya lang dahil alam niyang pupunta ako. Nakaupo sa salas yung malaking stuff toy na aso na napanalunan namin sa Time Zone. Naroroon rin, katabi nang T.V., ang life-size poster ni Harry Potter na hiningi namin sa takilyera noong nanood kami ng sine. Naalala ko lahat ng mga masasayang sandali noong magkasama kami. Di ko naiwasang mapangiti nang nakita ko ang isang plato na nakatayo katabi ng kanyang mga medals at awards na napalanunan sa school. Yung platong iyon ang napanalunan namin noong napagkatuwaan naming pumunta sa peryang itinayo sa isang kanto malapit dito sa apartment ni Cindy.

Marami rin pala kaming masasayang pinagdaanan, ngayon ko lang nalaman na ganun na pala kami ka-close. Ngayon ko lang nalaman… sana kung dati ko pa ito napansin, dati pa nahulog ang loob ko sa kanya. Sana dati ko pa siya niligawan. At sana noon pa ay kami na. Napaka-tanga ko naman, pinalagpas ko pa ang pagkakataon. Ang tanga ko, napakamanhid ko naman para hindi ko maramdaman na nahuhulog na pala ang loob niya sa akin…

Nakarinig ako ng malamyos na tinig.

“Wake up. Kanina ka pa yata natutlog diyan” Nakaramdam ako ng maiinit na ihip ng hangin sa aking noo. Nang iminulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang mukha ni Cindy.

“Hello” binati ko siya, at iba na ang tono ng aking pananalita. Naging malambing na ako sa kanya. Naging madaya rin ako nang hindi ko siya sinagot noong sinabi niya sa aking mahal niya ako. Babawi ako sa kanya. Sasabihin ko ring mahal ko siya. Mahal ko siya.

Tinitigan niya ako. “Bumangon ka na nga. Kadiri ka naman, tinuluan mo pa ng laway yung couch. Eto tissue, punasan mo.”

Pagtayo ko, napatingin ako sa labas, gabi na pala, magaalas-siyete na. “Kanina ka pa ba?” tanong ko kay Cindy na nakahiga sa kama niya.“Kanina pang five o’clock, bumili pa kasi ako ng dinner natin. Nilabas ko na yung mga napili kong DVDs mamili ka na kung ano ang uunahin natin. Maghahanda lang ako ng dinner, iaakyat ko na lang.”

“Tulungan na lang kita.” Bumaba kaming dalawa. Nakapatong sa dining table ang dalawang bucket ng fried chicken, isang malaking paperbag ng tinapay, at isang bote ng sandwich spread.

“Ang dami naman niyan, mauubos kaya natin yan?”

“Hindi po kasi tayo matutulog. Wala namang pasok bukas, kaya we’re going to finish eight films consecutively. Non-stop. Kailangan nating mag-store-up para hindi tayo antukin. Bring all of that up, kukuha lang ako ng cooler for the sodas.”

Nauna na akong umakyat, bitbit-bitbit ang sangkaterbang pagkain. Hindi nagtagal, sumunod na si Cindy dala ang isang maliit na cooler na punong-puno ng softdrinks sa lata. At dalawang pakete ng paborito naming chocolate: Snickers.

“Is the movie ready?” tanong niya.

“Just press the play button.”

Habang nanonood, hindi ko maiwasang hindi tumingin sa kanya. Pinapanood ko siya kung paano kumain, kung paano uminom, kung paano siya magpalaman ng tinapay, kung paano tumawa, kung paano bumagsak ang kanyang buhok sa kanyang balikat, kung paano niya hilutin ang kanyang leeg, kung paano niya punasan ang kanyang pawis, kung paano niya punasan ang kanyang bibig pagkatapos kumain, kung paano siya dumighay. Ibang-iba na ang kanyang mga kinikilos, o baka naman hindi ko lang napansin ‘to dati. Hindi ko lang napuna ang mga ito dati dahil hindi ko pa siya ganun kamahal. Iba na ngayon, mahal ko na siya, at ang ganda sa paningin nang makita ko ang mga simpleng bagay sa kanya. Mahal ko na siya.

Nang matapos ang unang pelikula, tumayo siya. “Pupunta lang akong C.R.”Hindi ko namalayang tumayo ako. Kumikilos ang mga paa ko, humahakbang papalapit sa pintuan ng C.R. Inilapat ko ang aking tainga sa pinto ng C.R. at kumatok ako.

“Bakit? Gagamit ka ba? Tuloy ka, bukas yan.”Binuksan ko ang pinto ng C.R. at nakita ko siyang naghihilamos.

“Gagamit ka ba? Sandali lang tatapusin ko lang ‘to.”

“Hindi” napangiti na lang ako sa kanya.

“Bakit ka ngumingiti?”

“Wala lang.”Hinugasan niya ang kanyang mukha at ipinunas ang maliit na tuwalya sa kanyang mukha. Hindi ko na matiis ang aking damdamin. Gusto ko nang sabihin sa kanya na mahal ko siya. Pagbaling ng kanyang katawan palabas ng C.R., hinawakan ko ang kanyang mga braso. Napatingala siya sa akin. Ang kanyang mga inosenteng mata ay nakatitig sa akin. Ito na ang tamang sandali, ang tamang panahon para malaman niya na mahal ko rin siya.“I love you too.” Tuwiran kong sinabi sa kanya.

Nakititig parin siya sa akin, sinusuri ang aking mata kung nagsisinungaling ba ako. Hindi ko siya niloloko. Totoo ang nararamdaman ko sa kanya. Mahal ko siya. Mahal na mahal.Niyakap niya ako. Naramdaman ko ang init ng kanyang katawan sa akin. Tinanggap niya na ako, at natanggap ko na rin siya. Ang matagal na pagkakaibigan ay nauwi na rin, sa wakas, sa pagmamahalan.

Ilang ulit dumampi ang aking mga labi sa kanya, nakangiti naming hinahalikan ang bawat labi, at nauwi kami sa kanyang kama. Napahiga ako sa kama niya, at hindi pa rin matapos ang aming paghahalikan. Hinalikan ko siya sa pisngi, leeg, at mahina kong kinagat ang kanyang labi. Kinagat niya ang aking tainga at ilong. Masidhi naming ipinakita ang aming pagmamahalan sa bawat isa.

Naging mainit ang sandali, ang mga emosyon namin ay hindi mapigilan. Ang paglalambingan ay nauwi sa pagmamahalan, ang pagsasama ng dalawang kaluluwa sa iisang katawan. Masaya ang bawat sandali, nalaman ko ang pakiramdam ng tunay na pag-ibig. Nawala ang konsepto ng panahon, pinukaw ang aming pag-iisip ng mga nagmamalabis na emosyong hindi namin mapigilan. Umagos ang lahat. Inanod ang aming mga damdamin.

Malamig ang gabi at malamlam ang bawat sandali. Sa ilalim ng puting kumot matatagpuan ang aming mga katawang walang saplot. Pinainit namin ang bawat isa sa higpit ng aming yakap. Hindi na mawawalay pa ang aking bisig sa kanya. Kami’y nagmamahalan.

Nagising ako sa mga halik ni Cindy.“Good Morning” sinundan nanaman ng isa pang halik.

“I love you” sinagot ko siya sa malambing na tono.
Ipinagpatuloy namin ang panonood ng mga pelikula. Hindi namin tinanggal ang aming mata sa T.V. maliban lang kung magsi-C.R., kukuha ng pagkain, o pag kami’y naglalambingan. Natapos ang buong araw sa kapapanood ng mga pelikula.

“Ang baho mo na.” Asar sa akin ni Cindy.

“Ikaw rin naman eh!”

“Sabay tayo maligo.” Paanyaya niya sa akin.Binuhat ko siya papasok ng C.R. at sabay kaming naligo.

Nang sumunod na araw, sinusundo ko na siya sa kanyang apartment. Agad siyang pumasok sa sasakyan at hinalikan niya ako.

“I love you… good morning” sinabi niya sa akin

“I love you too… good morning”

Hindi na namin inalintana ang panahon at ang bawat araw na nagdaan ay nagmistulang matatamis na sandali na ayaw naming pakawalan. Wala na kaming paliguy-ligoy pa, iisa lang ang totoo, mahal ko siya, at mahal niya rin ako.

Tumunog ang aking cellphone.

1 missed call:
Cinderella Fajardo Garcia

Nagmiss call rin ako.

Hindi na kailangan ng pormalidad, hindi naman kami dokumento. Wala nang legal-legal pa… Iisa lang ang alam namin: nagmamahalan kami.

Palapit na ang finals. Unti-unting dumadami ang mga gawain, pero magkasama naming ginagawa iyon. Minsan sa kanila, minsan sa amin.

“Ito na yung project.” Iniabot niya sa akin ang isang CD. “Idagdag mo na lang yung nagawa natin.”

Kumakain kami ng hapunan sa apartment ko. Nakakatuwang isipin, para na kaming mag-asawa. Biglang dumapo sa isip ko ang kanyang pagpunta sa America.

“Pupunta ka pa ba sa America?” tinanong ko ng may pag-aalinlangan.

“Oo. Naaprubahan na yung aking visa, at pagkatapos ng term na ito, lilipad na akong papuntang America.” Masaya niyang sinabi sa akin.Tinignan ko na lang ang kinakain ko. Ang baso ng tubig ay nagpapawis dahil sa lumalabas na ang lamig nito.

Naghahalong mga emosyon ang nararamdaman ko. Unti-unting sumiwalat ang isang damdaming gusto kong sabihin, sabay ng paglakas ng tono ng boses ko.

“Bakit? Bakit mo pa ako tinanggap kung aalis ka rin pala? Bakit mo pa ipinakita ang pagmamahal mo sa akin kung alam mo naman pala na aalis ka? Mang-iiwan ka! Bakit mo pa ako minahal? Bakit mo pa sinabi ang lahat sa akin?”

“Kailangan mong malaman.” Mahinahon niyang sinagot

“Masmabuti pa yung dati, magkaibigan lang tayo noon. Hindi gaanong masakit kung maghihiwalay tayo ng landas. Ngayong natutunan na kitang mahalin, naging mahirap na para sa akin na pakawalan ka pa!”

“Kaya nga kita minahal, masmasakit para sa akin kung iiwan ko ang isang kaibigan na minamahal ko ng totoo at hindi ko sasabihin sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Bibit-bitin ko ang mabigat na saloobin habang-buhay na hindi ko na sabi sa iyo na mahal kita. Masakit iyon para sa akin. Masakit!” umaagos na ang luha sa kanyang mga pisngi.

“Iisa lang naman kasi ang kinakatakutan ko, yung mawala ka at maiiwan akong mag-isa. Ayokong mag-isa. Ayokong iniiwan akong mag-isa ng mga minamahal ko. Hindi ko kakayanin ang mabuhay ng nag-iisa. Ayoko ng nag-iisa… Ayoko ng nag-iisa… Ayoko ng nag-iisa…” Nanlambot ang aking mga tuhod at napaupo ako sa kanto ng dining room, nanginginig sa sobrang takot.

“Kahit nasaan man ako, hanggang minamahal kita, at minamahal mo ako, hindi mo mararamdaman na iniwan kita. Kung alam mong mahal kita, hindi mo pagdududahang wala na ako sa piling mo. Dahil iisa lang itong pag-mamahal ko sa iyo, at ito lang ang magdudugtong sa ating dalawa kahit gaano kalayo pa tayo sa isa’t-isa”

Umupo siya sa tabi ko, at isinandal niya ang kanyang ulo sa aking balikat. Tinignan niya ako, at sa isang halik sa pisngi umalis na siya ng walang sinasabi.

Ako na ang nakatakdang tapusin ang documentary. Ginawa ko na ang lahat para mapaganda ang aming proyekto. Tinapos ko ito, ngunit meron pa akong natutunan maliban sa aming panonood. Idinagdag ko ito.

Panahon na ng pagpepresent namin. Alam ni Cindy kung ano na ang nagawa namin, at kung hanggang saan lang ang itatagal noong presentasyon, ngunit hindi niya alam kung ano ang aking idinagdag.

Maayos ang daloy ng documentary, inilabas lahat ng aming mga saloobin tungkol sa aming topic, at noong inaakala na ni Cindy na malapit nang matapos, ikinagulat niya ang mga huling katagang lumabas sa T.V.

“Love is a comedy for those who think and a tragedy for those who feel. Everybody is stupid when it comes to love, and the only people who can say this are those think when they love. Because they see the silly things people do when they fall in love. But really… who does Love just for the sake of loving the other person. We always say that we love someone because of… or despite of… but who really love because they love? It is correct that love is abstract, but we always try to understand love in the sense that we try to define it, we try to encapsulate the very essence of it. Thus it becomes an addiction, it becomes an obsession, it becomes lust, and the whole essence of what love really is, is gone. Many people want love but they are not ready for it. Many people desire to be loved but they do not accept it. Some people are not aware of love that they tend to overlook what love really is. Love can never be learned, but we can experience it. When a person learns how to live with the one he or she loves, and yet at the same time, learn to live without that someone he or she loves, then she is ready for a relationship”

Tahimik na natapos ang aming presentasyon, nakatingin sa akin ang mga mata ni Cindy. Marami siyang gustong sabihin, marami siyang gustong ipadama sa akin. Ngunit iyon lang ang mga sandaling pumukaw sa amin upang maunawan ang isa’t-isa.

Natapos na ang termino at dumating na ang bakasyon. Wala nang pumipigil kay Cindy para umalis. Ako na ang naghatid sa kanya sa Airport kung saan naghihintay ang kanyang pamilya.

Niyakap ko siya, at hinalikan. Titinitigan niya ako sa mata.

“Baka naman makalimutan mo na ako” pangiti kong sinabi sa kanya

“Kung meron bang Amerikanong katulad mo doon, baka nga makalimutan kita”

“I lo….” Inilapat niya ang kanyang daliri sa aking mga labi.

“Alam ko. At iyon lang ang kailangan kong malaman” at hinalikan niya ako.

Tinawag na ang kanilang flight, at pinanood ko na siya papasok ng eroplano. Hinintay ko sa parking area ang paglipad ng kanilang eroplano. At doon ko nalaman ang lahat…

Tatlong buwan na ang lumipas… Hindi ko pa rin siya nakakalimutan, at nagkaka-usap pa rin kami sa e-mail at sa chat. Masaya pa rin ang aming relasyon.

Nanggaling ako sa isang party kasama ng mga kaibigan ko, at umaga na ng nakarating ako sa bahay. Tinignan ko ang aking cellphone.

1
Missed
Call

Missed 1:
Cinderella Fajardo Garcia

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home